Kakalusong mo lang sa baha, at ngayon kinakabahan ka dahil sa posibleng sakit na makukuha mo tuladd ng leptospirosis. Noong July 2025, nagkaroon ng epidemya sa Quezon City dahil sa dami ng kaso ng leptospirosis. Naitala naman ng DOH ang 3037 na kaso ng leptospirosis mula Jan to July. Marami nito ay sumulpot sa loob lang ng isang linggo pagkatapos magsimula ang habagat season.

Bagamat may banta ng pagtaas muli sa kaso ng leptospirosis ngayong 2026, may magandang balita naman. Ang leptospirosis sa baha ay maaaring iwasan kung alam mo ang tamang gagawin. Basahin ang gabay na ito upang malaman kung ano ang dapat gawin pagkatapos lumusong sa baha, at kung kailan ka dapat kumunsulta sa doktor.

Paano Nakukuha Ang Leptospirosis sa Baha?

Ang leptospirosis ay sakit na nakukuha mula sa Leptospira bacteria, isang manipis na uri ng bakterya na karaniwang nasa ihi ng hayop, lalo na ang daga. Tinatawag din itong Weil’s disease kapag umabot na ito sa malalang anyo. Pumapasok ito sa katawan sa pamamagitan ng sugat o sa mucous membranes ng mata, ilong, at bibig.

Kadalasan, kapag tag-ulan ay maroong namumuong baha sa mababang lugar sa bansa. Naghahalo sa tubig ang dumi sa basura, animal urine, at iba pa. Ang kontamindong tubig na ito ang salarin sa pagkakroon ng leptspirosis.

Hindi mo kailangang lumangoy sa tubig para mahawa. Sapat na ang lumusong na may maliit na galos sa paa. Nabubuhay ang Leptospira nang linggo hanggang buwan sa basa at maputik na kapaligiran, kaya delikado pa rin kahit humupa na ang baha pero basa pa ang lugar

ihi ng daga sa baha

Paano Kumikilos ang Leptospirosis sa Katawan?

Pagkapasok ng bakterya, dumadaloy ito sa dugo at kumakalat sa iba’t ibang organ. May incubation period na karaniwang 2 hanggang 14 na araw bago lumabas ang unang sintomas, pero maaari itong umabot ng hanggang 30 araw.

Kapag nasa dugo na ang Leptospira, naaabot nito ang kidney, ang atay, at kahit ang baga. Sa malalang kaso, nakakapasok ito sa cerebrospinal fluid na pumapalibot sa utak at spinal cord, kaya posibleng magdulot ng meningitis. Dito nagmumula ang kidney failure at liver damage na nakikita sa severe form of leptospirosis.

Hindi gaya ng tuberculosis o rabies na may mas mahabang takbo, mabilis tumama ang sakit na ito kapag malala, kaya huwag itong ipagpaliban.

Alamin ang isa pang sakit tulad ng rabies kung gaano kabilis ito kumalat sa katawan sa pamamagitan ng artikulong ito.

Paano Maiiwasan ang Leptospirosis sa Baha?

Ang paglusong sa baha ay kadalasan nangyayari nang hindi inaasahan, lalo na sa oras ng paglikas. Kung ganito ang sitwasyon, may mga hakbang na maaaring makatulong sa iyo upang mabawasan ang risk of infection dahil sa baha.

talsik ng maduming tubig

Bago Lumusong

Maghanda bago ka pa man umalis. Magsuot ng bota at gloves bilang protective equipment para hindi dumikit ang balat sa tubig. Takpan ang anumang sugat gamit ang waterproof na bandage. Kung may malaki o bukas na sugat ka, huwag munang lumusong, at maghanap ng mas mataas na ruta.

Habang Nasa Baha

Iwasan ang pagtilamsik ng tubig sa mukha para hindi pumasok sa mata, ilong, o bibig. Huwag lumangoy o maligo sa baha, at lalo nang huwag hayaang maglaro ang mga bata rito. Iwasan ang paglunok ng tubig at huwag kumain habang basa pa at hindi pa nahuhugasan ang kamay.

Unang Dapat Gawin Kapag Nalantad sa Baha

Ito ang pinakamahalagang bahagi sa pag-iwas sa leptospirosis sa baha. Ang mabilis na pagkilos pagkatapos ma-expose ang pinakamabisang depensa kontra impeksyon. Ito ang sunud-sunod na dapat gawin pagkababad sa tubig-baha:

  1. Maligo agad at hugasan nang mabuti ang paa at binti gamit ang sabon at malinis na tubig.
  2. Linisin at i-disinfect ang anumang sugat na maaaring nadikit sa baha.
  3. Palitan agad ang basang damit at hugasan ito nang hiwalay.
  4. Itala kung kailan ka na-expose, mahalaga ito kung sakaling kailanganin ang gamot na pang-iwas.
  5. Bantayan ang sarili para sa lagnat at iba pang sintomas sa loob ng 2 hanggang 14 na araw.

Para sa high-risk na exposure, may gamot na pwedeng iinom bilang pang-iwas. Ang doxycycline ang karaniwang antibiotic na ginagamit dito, ininom sa loob ng 24 hanggang 72 oras pagkatapos ma-expose. Kailangan nito ng reseta ng doktor, at hindi ito para sa lahat. Basahin ang aming gabay sa doxycycline prophylaxis para sa leptospirosis bago ka uminom ng kahit ano.

Sino Ang Posibleng Manganib Dahil sa Leptospirosis

Hindi pantay ang panganib sa lahat. May mga taong dapat mag-ingat nang husto, lalo na kapag malakas ang ulan at madalas bumaha sa inyong lugar. Sila ang mga madalas na na-eexpose sa kontaminadong tubig:

mga taong posibleng magkaroon ng leptospirosis

  • Mga nakatira sa flood-prone o siksikang lugar na madalas bahain
  • Rescue workers at mga nagliligtas habang may baha
  • Magsasaka at mga nagtatrabaho sa kanal, palayan, o tubig
  • Mga batang naglalaro sa baha
  • Mga may bukas na sugat sa paa o binti

Mas delikado ito sa bata. Madalas naglalaro ang mga bata sa baha at hindi sila nag-iingat sa mga sugat nila. Iwasang hayaan silang lumusong o maligo sa tubig-baha, at bantayan agad kung magkaroon sila ng lagnat.

Ano ang Gagawin Kung May Sintomas Na

Kung na-expose ka sa baha at may nararamdaman ka nang lagnat, sobrang sakit ng binti, o pamumula ng mata, huwag nang maghintay. Ang maagang paggamot ang pumipigil sa sakit na lumala patungo sa kidney o liver failure.

Magpa-konsulta Agad

Magpa-tingin online sa isang Infectious Disease o Internal Medicine doctor. Iiresita nila ang tamang antibiotics gaya ng doxycycline o penicillin depende sa kalagayan mo. Huwag uminom ng gamot nang walang konsulta, dahil ang maling dose ay hindi makakatulong at maaari pang makasama. Pwede kang magpa-konsulta sa isang Infectious Disease doctor o Internal Medicine doctor sa NowServing.

May mga senyales naman na hindi na pwedeng hintayin. Pumunta agad sa ER kung may paninilaw ng balat o mata, hindi ka makaihi, may pagdurugo, o nahihirapan kang huminga. Senyales ito ng malala nang impeksyon na maaaring umapekto sa kidney at iba pang organ.

Basahin ang kaugnay na artikulo upang malaman ang mga sintomas ng leptospirosis.

May Libreng Gamot Ba Para sa Apektado ng Baha

Oo, may mga lokal na pamahalaan na namimigay ng libreng gamot pang-iwas. Tuwing tag-baha, may mga LGU at health center na nagbibigay ng doxycycline nang walang bayad sa mga residenteng na-expose. Hindi ito pare-pareho sa bawat lugar, kaya magtanong sa inyong barangay o city health center kung available ito sa inyo.

TANDAAN: Kahit libre, hindi ito dapat inumin nang basta-basta. Tiyakin na tama ka sa risk tier at ligtas para sa iyo ang gamot. Hindi pwede ang doxycycline sa buntis, nagpapasuso, at batang wala pang 8 taong gulang, kaya kahit libre, kailangan pa rin ng gabay ng doktor.

Paalala ng DOH Tungkol sa Lepto at Baha

Paulit-ulit na nagbababala ang DOH tuwing tag-ulan. Ang payo nila ay tuwiran: iwasan ang paglusong sa baha kung maaari, at magsuot ng bota kapag talagang kailangan. Kung na-expose ka sa high-risk na sitwasyon, kumonsulta para sa posibleng prophylaxis sa loob ng 24 hanggang 72 oras, at huwag mag-self-medicate.

Binibigyang-diin din ng DOH ang maagang pagpapatingin. Ayon sa kanilang paalala kontra leptospirosis tuwing tag-ulan, ang pagbabalewala sa lagnat pagkatapos ng baha ang isa sa pinakamadalas na dahilan ng pagkalala.

Mga Madalas Itanong

Ano ang leptospirosis at paano nakukuha sa baha?

Ang leptospirosis ay sakit na dulot ng Leptospira bacteria na nasa ihi ng daga. Sa baha, naghahalo ito sa tubig at pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng sugat, mata, ilong, o bibig.

Ilang araw bago lumitaw ang mga sintomas ng leptospirosis?

Karaniwang 2 hanggang 14 na araw pagkatapos ma-expose, pero pwedeng umabot ng hanggang 30 araw. Kaya mahalagang itala kung kailan ka nalusong sa baha.

Paano maiiwasan ang leptospirosis kapag bumabaha?

Iwasan ang baha kung kaya, magsuot ng bota at gloves, takpan ang sugat, at maligo agad gamit ang sabon pagkatapos lumusong. Para sa high-risk, may doxycycline na may reseta.

May libreng gamot ba para sa apektado ng baha?

May mga LGU at health center na namimigay ng libreng doxycycline tuwing tag-baha. Magtanong sa inyong barangay o city health center, pero kumonsulta pa rin bago uminom.

Ano ang dapat gawin agad pagkatapos lumusong sa baha?

Maligo agad, hugasan ang paa at binti gamit ang sabon at malinis na tubig, i-disinfect ang sugat, palitan ang basang damit, at bantayan ang sarili para sa lagnat sa loob ng 2 linggo.

Sino ang mas mataas ang panganib pagkatapos ng baha?

Mga nakatira sa flood-prone na lugar, rescue workers, magsasaka, mga batang naglalaro sa baha, at mga may bukas na sugat sa paa o binti.

Kailan dapat magpatingin sa doktor para sa leptospirosis?

Magpatingin agad kung na-expose ka sa baha at may lagnat, sobrang sakit ng binti, o pamumula ng mata. Pumunta sa ER kung may paninilaw, hindi makaihi, o pagdurugo.

Pwede bang magka-leptospirosis kahit walang sugat?

Oo. Pwede pa ring pumasok ang bakterya sa pamamagitan ng mata, ilong, o bibig, kahit walang bukas na sugat, lalo na kung matagal na pagkababad.

Konklusyon

Hindi mo kayang kontrolin ang baha, pero kayang gawan ng paraan upang hindi ka magkaroon ng leptospirosis. Iwasan ang baha hangga’t kaya ngunit kung kinakailangan ang paglusong sa baha ay magsuot ng bota at takpan ang sugat. Gumamit ng malinis na tubig at magbanlaw agad pagkatapos lumusong sa baha. 

Kung kakalusong mo lang at may nararamdaman ka nang lagnat, magpa-konsulta online sa NowServing ngayon para masuri agad ang pangangailangan mo sa proteksyon kontra leptospirosis sa baha.