Ayon sa Nurturemed, maaaring magkaroon ng colds ng 6-10 na beses sa isang taon ang mga bata, at kadalasan itong nangyayari tuwing tag-ulan. Dahil na rin sa pabago-bagong panahon ay dapat itong paghandaan, lalo na kung may malalang sintomas tulad ng ubo at sipon. Narito ang gabay tungkol sa angkop na gamot sa ubo at sipon ng bata upang matulungan ang mga magulang sa pag-aalaga ng kanilang anak na may sakit.
Bakit Nagkakaubo at Nagkakasipon ang mga Bata?
Ang ubo at sipon ng bata ay kadalasang dulot ng virus. Isa sa posibleng dahilan ay ang pag-langhap sa mikrobyo galing sa ibang tao. Dahil dito, maaaring pumasok sa respiratory tract hanggang sa kumalat ito at magdulot ng sakit na ubo at sipon sa bata. Tandaan na natural na mahina ang immune system ng baya, kung kaya’t mas madali silang tablan ng sakit kumpara sa mga matanda.

Kung sakali man na magkaroon ng ubo at sipon ang bata, hindi ito gagaling kapag niresetahan ng antibiotics. Kinakailangan ito gamitan ng ibang gamot na naaayon sa edad at kalagayan ng bata. Maaari mo lang malaman ito sa pamamagitan ng pag-konsulta sa doktor.
Sa paglaki ng bata ay siya rin paglago ng kanilang immune system. Maaaring palakasin pa ito sa tulong ng bakuna. Alamin ang schedule ng bakuna sa bata upang masubaybayan ang bawat vaccine na kailangan ng iyong anak.
Subaybayan ang bakuna ng iyong bata gamit ang NowServing Baby Book.
Mga Sintomas ng Ubo at Sipon sa mga Bata
Mahalagang kilalanin ang mga sintomas upang matukoy kung simpleng common colds lang ba o kailangan na ng mas malalim na pagsusuri. Narito ang mga karaniwang palatandaan:
- Baradong o tumutulong ilong: Malinaw na uhog sa simula na maaaring lumapot at maging dilaw o berde pagkalipas ng ilang araw.
- Ubo: Maaaring dry cough o may plema, at kadalasang lumalala kapag gabi.
- Mababang lagnat: Bahagyang pagtaas ng temperatura habang nilalabanan ng katawan ang virus.
- Pananakit ng lalamunan: Throat irritation na nagiging dahilan ng hindi pagkain o pag-inom nang maayos.
- Pagiging maluya at iyakin: Nababawasan ang gana at tulog ng bata.
Karamihan sa mga sintomas na ito ay bahagi ng normal na sipon. Ngunit kung tumagal nang higit sa sampung araw o lumala, maaaring tanda ito ng ibang kondisyon na dapat nang ikonsulta.
Maaari kang maghanap ng mga doktor na gumagamot ng common colds at trangkaso kung patuloy ang mga sintomas ng iyong anak.

Mga Home Remedies sa Ubo at Sipon ng Bata
Dagdagan ang Pag-inom ng Likido
Isa sa pinaka-mainam na remedy ay ang pag-inom ng mga likido tulad ng tubig, mainit na sabaw, at maligamgam na tubig na may kalamansi o lemon water. Bukod sa napapanatili nito na hydrated ang pasyente, tumutulong ang likido na palabnawin ang plema at uhog upang mas madali itong mailabas.
Samantala, nakakatulong din na uminom ng tubig na mainit upang makapagbigay ng relief. Kadalasan kasi kapag may sipon ay barado ang ilong at mabigat ito sa ulo. Ang mainit na inumin ay mabisa para guminhawa ang pakiramdam.
Pag-suob
Ang pag-suob o pag-langhap ng steam ay isa sa mga remedy na isinasagawa ng matatanda sa Pilipinas para sa mga pasyenteng may ubo at sipon. Ito ay nakakatulong upang lumuwag ang paghinga dahil sa baradong ilong. Pwedeng gumamit ng mainit na tubig lamang o kaya haluan ito ng eucalyptus para sa pandagdag na ginhawa.
Bigyan ng Pahinga at Sapat na Tulog
Ang pahinga ang pinakamabisang paraan upang mabilis na gumaling ang katawan ng bata. Hayaang matulog at magpahinga ito habang nilalabanan ng immune system ang virus.
Pagkain ng Prutas na Masustansya sa Vitamin C
Isa rin na kailangan ng bata ay ang pagkonsumo ng mga prutas na mayaman sa vitamin c tulad ng dalandan, orange, at iba pa. Makakatulong ang mga ito para palakasin ang resistensya ng mga batang may sakit.
Kung ang iyong anak ay ilang buwan pa lamang at kamakailan lang kumakain ng solid foods, maaring basahin ang gabay na ito.

Mga Medikal na Gamot sa Ubo at Sipon ng Bata
Kung ang batang may sakit naman ay hindi pa rin gumagaling pagkatapos ng 2 araw, mas mainam na pumunta agad sa kanyang pediatriician upang masuri ang kanyang kalagayan. Tandaan na mas mababa ang immune system ng bata kaya’t kinakailangan ng gabay mula sa expert.
Narito ang karaniwang gamot sa ubo at sipon ng bata na posibleng i-prescribe ng doktor:
Paracetamol Para sa Lagnat
Kung may kasamang lagnat o pananakit ng katawan, ang paracetamol syrup ang karaniwang inirerekomenda para sa mga bata. Ang mga ito ay nabibili sa mga botika, ngunit dapat alamin ang tamang dosage na kailangan ng bata. Binabatay ang dosage sa timbang ng bata, kaya sundin ang reseta ng doktor o ang nakasulat sa label.
Kalimitan itong ginagamitan ng maliit na syringe para sa maliliit na bata, samantalang measuring cup naman ang gamit para sa mga ilang taon na gulang na bata.
Alamin pa ang iba’t ibang gamot sa lagnat sa bata para sa wastong paggamot.
Saline Nasal Spray
Bukod sa pagsuob na home remedy, mainam din ang mga saline nasal spray upang mawala ang baradong ilong tuwing may sakit na sipon ang bata. Mabibili rin ang mga pangkaraniwang na nasal spray sa botika, ngunit dapat pa rin sundin kung ano ang irereseta ng doktor. Maaari kasing may allergy ang bata sa saline nasal spray, kung kaya’t dapat sundin ang irerekomenda ng pediatrician.
Madali lang ang paggamit ng nasal spray. Siguraduhing nakahiga patihaya ang bata, at naka anggulo pataas ang ulo para sa pagdaloy ng gamot. Sundin kung ilang patak, drops, o spray ang kinakailangan para sa tamang dosage ng saline solution para sa bata. Kadalasan itong ginagawa pagkagising at bago matulog
Cough Syrup at Inhaler
Mayroon din na posibleng i-reseta ng doktor na cough syrup para sa mga bata. Ito ay mga gamot na kadalasang walang kulay, ngunit may matapang na panlasa. Maaari rin itong mabili sa botika kasama ng iba pang gamot na nabanggit.
Kung ang bata naman ay may asthma, siguraduhing itanong muna sa doktor bago ipainom ang gamot sa bata. Ang mga pasyenteng may asthma ay kadalasan kailangan ng karagdagang gamot tulad ng inhaler.
TANDAAN: Hindi inirerekomenda ang over-the-counter cough at cold medicines para sa mga baby o batang wala pang apat na taong gulang maliban kung iniutos ng doktor. Maaaring magdulot ng side effects ang mga gamot na ito sa maliliit na bata.
Kung ang bata ay nakararanas ng pamamaga ng tonsil o tonsillitis, basahin ang gabay na ito para sa gamot sa tonsillitis.
Mga Dapat Tandaan at Iwasan Tungkol sa Pag-inom ng Gamot sa Bata
Ang tamang pagkonsumo sa gamot ay kinakailangan para sa epektibong paggaling. Narito ang mga alituntunin na dapat tandaan pagbibigay ng gamot sa ubo at sipon ang bata.
- Sundin ang dosage: Huwag lalampas sa dosage ng gamot upang hindi masira ang atay ng bata
- Paggamit ng gamot ng matanda: Iwasang gamitin at hatiin ang tableta ng matanda para sa bata.
- Pagsabay ng maraming gamot: May mga gamot na hindi dapat pinagsasabay dahil sa posibleng parehas na sangkap nito.
- Hindi tamang panukat: Siguraduhin na ang gagamiting panukat tulad medicine spoon, syringe, o syrup cup sa gamot ay accurate para sa tamang dosage.
Kung sakaling makaranas ng mild side effects ang bata dahil sa gamot, o kaya nakainom ng sobrang dosage ng gamot, dapat na manghingi agad ng medical advice sa doktor.
Kailan Dapat Magpakonsulta sa Doktor?
Dapat tandaan na hindi gamot ang basta pahinga lang, lalo kung bata ang may sakit. Kinakailangan pa rin ng pagkonsulta sa doktor para sa mainam na paggabay sa
- Hirap sa paghinga o mabilis na paghinga ng bata.
- Mataas na lagnat na hindi bumababa kahit nabigyan na ng gamot.
- Lagnat sa sanggol na wala pang tatlong buwan.
- Ubo na tumatagal nang higit sa dalawang linggo o hindi tumitigil na persistent coughing.
- Hindi pagkain o pag-inom at palatandaan ng dehydration.
Kung may kasamang paulit-ulit na lagnat ang ubo at sipon, basahin ang gabay sa gamot sa lagnat para sa karagdagang impormasyon.

Paano Mag-book ng Pediatrician sa NowServing?
Mabilis at madali ang pagpapatingin sa isang Pediatrician gamit ang NowServing, isa sa mga nangungunang healthcare app sa Pilipinas para sa online consultation sa Pediatrician. Narito ang mga hakbang:
- Bisitahin ang pediatrics na pahina ng NowServing.
- Pumili ng Pediatrician mula sa doctor directory na tumatanggap ng online consultation.
- Sagutan ang booking form at piliin ang gusto mong iskedyul.
- Hintayin ang kumpirmasyon ng doktor para sa iyong appointment.
Maaari rin tingnan alamin kung anong doktor ang pwedeng lapitan para sa ubo at sipon.
Mga Karaniwang Tanong Tungkol sa Gamot sa Ubo at Sipon ng Bata
Anong gamot sa ubo at sipon ng bata ang pinakaligtas?
Para sa karamihan ng bata, pinakaligtas ang supportive care tulad ng saline nasal spray, sapat na likido, at pahinga. Ibinibigay ang paracetamol kapag may lagnat, habang ang over-the-counter cough medicines ay dapat lamang gamitin kung iniutos ng Pediatrician.
Pwede bang bigyan ng Biogesic ang bata na may sipon?
Ang Biogesic (paracetamol) ay para sa lagnat at pananakit ng katawan, hindi direkta para sa sipon. Maaari itong ibigay kung may kasamang lagnat ang sipon, ngunit kailangang nakabatay sa timbang ng bata ang tamang dosage.
Kailan ko dapat ipatingin ang ubo at sipon ng aking anak?
Magpatingin agad kung may hirap sa paghinga, mataas na lagnat na hindi bumababa, o ubong tumatagal nang higit sa dalawang linggo. Para sa sanggol na wala pang tatlong buwan na may lagnat, agarang konsulta ang kailangan.
Ligtas ba ang pulot bilang gamot sa ubo ng bata?
Ligtas at nakakatulong ang pulot para sa ubo ng mga batang mas matanda sa isang taong gulang. Ngunit bawal ito sa mga batang wala pang isang taon dahil sa panganib ng botulism.
Gaano katagal bago gumaling ang bata sa sipon at ubo?
Nakadepende ito kung gaano kalala ang kalagayan ng bata. May mga pasyenteng may mild cases lamang ng ubo at sipon kaya’t agad silang nagaling pagkatapos ng 1-3 na araw. Samantala, posibleng tumagal din ito ng 7-10 days. Kaya’t kinakailangan ng agarang gamutan at sabayan ng epektibong remedy para guminhawa ang pakiramdam ng pasyente.
Konklusyon
Ang gamot sa ubo at sipon ng bata ay pinagsamang medikal na gamot at home remedy. Ang mga tip na ito ay mahalagang gawin para mas mapabuti ang kalusugan ng mga bata, lalo’t natural na mababa ang kanilang resistensya. Kung ikaw ay nagdududa sa pwedeng gawin para masolusyunan ang ubo at sipon ng iyong anak, huwag mangamba at kumonsulta agad sa isang pediatrician.
Mag-book ng online consultation sa isang Pediatrician sa NowServing ngayon.


