Ang paggamit ng self-test kit o home testing kit upang suriin ang iyong kalagayan sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) ay mahalaga dahil nakapagbibigay ito ng mabilis, madali, at pribadong paraan ng pagsusuri ng HIV status. Ngunit paano mo nga ba mauunawaan ang resulta ng HIV test kit sa bahay lalo at patuloy ang pagdami ng kaso ng HIV sa Pilipinas?
Alamin ang ibig sabihin ng mga linya sa tabi ng test kit at kung ano ang dapat gawin tungkol dito. Basahin ang artikulong ito upang mas lalong masubaybayan ang kalusugan bago magkaroon ng AIDS at iba pang malubhang komplikasyon.
Mga Uri ng HIV Test Kit sa Bahay
Bago simulan ang diskusyon sa mga resulta ng HIV test kit sa bahay, dapat muna alamin kung anong klase ng test kit ang gamit. Mayroong 3 pangunahing klase ng test na madalas gamitin bilang HIV screening sa bahay. Idinisenyo ang mga ito upang padaliin ang proseso sa pagkilala ng HIV status ng mga tao.
Gamit ang sariling sample tulad ng laway o dugo, ang mga test kit na ito ay tinatawag na mga:
Antibody Test
Ang pinaka karaniwang ginagamit na HIV test sa bahay ay ang antibody test. Ito ay klase ng test kit na may simple at direktang function upang malaman ang HIV status ng mga tao. Kadalasan, ang katawan ay gumagawa ng mga antibodies dahil sa epekto ng HIV infection. Itong mga proteins na ito ang nakikita ng antibody test na nagreresulta sa positive test result.
Kapag ito ang napili mong gamitin bilang test kit, laging tandaan na dapat isaalang-alang ang window period na 3- 12 na linggo. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang maling resulta ng HIV test kit sa bahay.
Antigen Test
Bukod sa antibody, mayroon din na klase ng test kit na nakakakita ng protein sa katawan. Ito ay tinatawag na antigen test, ang klase ng HIV test kit na nakakapag detect ng antigen sa katawan. Ang window period nito ay nasa 2 hanggang 4 na linggo dahil dito rin namumuo ang mga antigen sa katawan. Siguraduhin lamang na gumamit ng ganitong HIV test pagkatapos ng 4 na linggo upang masiguro ang tamang HIV test result.
Combination Test
Pinakahuli sa lahat ay ang tinatawag na combination test o kilala sa fourth-generation test ng HIV. Ayon sa mga expert, more accurate results daw ang dapat asahan sa test kit na ito dahil pareho na antibody at antigen ang maaaring makita ng test kit. Kung kaya’t panigurado na malalaman agad kung positibo o negatibo ang isang tao sa HIV.
Tandaan lamang na dapat pa rin sumunod sa window period upang tama ang maging resulta ng HIV test kit sa bahay. Ang period para sa combination test ay 2 hanggang 6 na linggo.
Basahin ang kaugnay na artikulo tungkol sa self-test kit para sa HIV
Pag-intindi sa Resulta ng HIV Test Kit sa Bahay
Non-Reactive o Negative Result
Ano ang ibig sabihin?
- Walang HIV antibodies/antigens na nadetect sa iyong sample
- Karaniwang resulta ito kapag walang HIV infection
Tandaan:
Kung kamakailan lamang nangyari ang posibleng exposure (hal., 1-3 buwan), maaaring nasa window period ka pa. Kagaya ng nabanggit kanina ay dapat muna alamin kung anong klase ng test kit ang gamit para madaling sundin ang window period nito. Sa pamamagitan nito, masisigurado na tama ang test result na makukuha.
Reactive o Positive Result
Ano ang ibig Sabihin?
- Posibleng mayroon kang HIV infection dahil nag-react ang test kit sa sample mo.
Susunod na hakbang:
Kapag positibo sa test ay kinakailangan ng kumpirmasyon na mayroon kang HIV. Kumuha kaagad ng confirmatory test sa clinic, ospital, o testing facilities at hintayin ang resulta nito. Kung mapatunayan na positibo ka sa HIV, kailangan sumailalim ka sa agarang gamutan kagaya ng antiretroviral therapy, HIV counseling, at iba pa.
Inconclusive o Invalid Result
Ano ang ibig sabihin?
- Hindi maayos ang pagkakagawa ng test o kulang ang sample na ginamit.
Dapat gawin:
Ulitin ang pagsusuri gamit ang bagong test kit. Sundin nang maayos ang mga instruksyon sa paggamit. Bukod dito, siguraduhin na hindi kontaminado ang test sample na gamit sa test kit upang maiwasan ang inconclusive o invalid na resulta.
Mga Kadalasang Tanong Tungkol sa HIV Test Result
Bakit mahalaga ang confirmatory test?
Kapag positibo ang resulta ng HIV test kit sa bahay, hindi ito nangangahulugang opisyal kang may HIV. Kailangan pa ring kumpirmahin ang resulta gamit ang confirmatory tests sa mga accredited facilities. Sa pamamagitan nito, masisiguro ang HIV status at matutulungan ang mga pasyente na makatanggap ng treatment.
Kapag negatibo ang resulta ligtas ka na ba?
Maaaring sa panahon na kumuha ka ng test ay wala pang nakikitang antibodies at antigen sa iyong katawan. Posible rin na wala talagang HIV infection sa iyong body system. Ngunit, hindi ibig sabihin nito na ligtas ka na mula sa banta ng HIV. Marami pa rin dapat alalahanin upang mapanatiling ligtas sa HIV.
Mga dapat isaalang-alang upang masiguro na ligtas:
- Kung ang exposure ay kamakailan lang (3 buwan o mas maikli), gawin ang retesting sa tamang panahon.
- Laging sundin ang mga HIV prevention methods tulad ng:
- Gumamit ng proteksyon sa tuwing nakikipagtalik
- Iwasan ang pagbahagi ng karayom o gamit na posibleng kontaminado
- Magkaroon ng regular na HIV testing kung ikaw ay may mataas na risk.
Ano ang emotional impact ng resulta ng HIV test kit sa bahay?
Posibleng makaranas ng emotional stress ang mga taong kumukuha ng HIV test kit dahil sa takot na positibo sila sa HIV. Bukod dito, ang stress sa stigma ay nakapagdudulot ng mabigat na epekto sa mental health kung kaya’t mas mabuting magkaroon ng support system.
Narito ang ilang tips para makayanan ang emotional stress:
- Pag-usapan ang iyong nararamdaman
- Sumali sa support groups
- Humingi ng emosyonal na suporta at tulong sa expert
Konklusyon
Dapat tandaan na kahit anuman ang resulta ng HIV test kit ay maging handa sa susunod na hakbang. Ang home test kit ay paunang hakbang lamang sa pagtuklas ng HIV status. Kapag nakakuha ng positibong resulta, huwag mag-panic at kumuha ng confirmatory test upang matiyak ang diagnosis. Samantalang sa negatibong resulta, huwag kalimutan ang mga hakbang upang manatiling ligtas at malusog.
Kung ikaw man ay positibo o negatibo, ang tamang impormasyon at suporta ang susi upang matugunan ang anumang sitwasyon nang maayos. Kumunsulta agad sa doktor ng infectious disease upang humingi ng gabay tungo sa gamutan para sa HIV.