Ano ang ibig sabihin kapag ikaw ay may mababang presyon ng dugo?
- Kahulugan ng mga Termino
- Paano Dapat Sukatin ang Iyong Presyon ng Dugo
- Paano Dinadiagnose ng mga Doktor ang Hypotension
- Mga Uri ng Mababang Presyon ng Dugo (Hypotension)
- Mga Palatandaan at Sintomas
- Mga Sanhi ng Mababang Presyon ng Dugo
- Paggamot sa Mababang Presyon ng Dugo
- Kumonsulta sa Iyong Doktor
- Mga Kadalasang Katanungan
- Ano ang ibig sabihin kung ang iyong presyon sa dugo ay nasa 110/70?
- Nalilito ako. Tiningnan ko ang aking BP kaninang umaga at naitala ito na 159/79. Subalit, nitong Sabado lamang, ito ay 140/70. Ano ang ibig sabihin ng blood pressure reading na ito?
- Paano ko malalaman ang aking presyon sa dugo sa bahay kahit walang intervention ng doktor?
- Normal ba ang 110/70 na presyon ng dugo para sa babae?
- Paano naman ang 110/60 na presyon ng dugo para sa babae?
- Panghuling Paalala
Kahulugan ng mga Termino
Ang presyon ng dugo ay tumutukoy sa puwersa ng dugo sa loob ng ugat sa katawan, na tinatawag na arterya. Habang pumipintig ang puso upang dumaloy ang dugo, maaaring malaman ang presyon ng dugo. Ang pinakamataas na sukat ng presyon sa mga arterya ay kilala bilang systolic pressure (natatala bilang itaas na numero), samantalang kapag nagpapahinga ang puso, bumababa ang presyon at ngreresulta sa pinakamababang sukat na tinatawag na diastolic pressure (natatala bilang ibabang numero). Nakikita ang mga bilang na ito sa sphygmomanometer (aparato para sa pagsukat ng presyon). Gumagamit ito ng yunit na millimeters of mercury (mm Hg) sa pagsukat ng presyon ng dugo.
Figure1: Chart na naglalaman ng presyon ng dugo at ang kahulugan nito.
![presyon ng dugo](https://nowserving.ph/blog/wp-content/uploads/2025/01/presyon-ng-dugo.png)
Kapag may mataas na presyon ng dugo, ang bilang sa systolic pressure at patuloy sa pagtaas mula 120 – 129, samantalang ang diastolic pressure ay mas mababa sa 80 mmHg.
Ang mga antas ng mataas na presyon ng dugo o hypertension:
- Hypertension Stage 1 – 130-139/80-89 mmHg
- Hypertension Stage 2 – ≥140/≥90 mmHg
- Hypertensive Crisis – >180/>120 mmHg
Subalit, ang mababang presyon ng dugo o hypotension naman ay may systolic pressure na mas mababa sa 90 mmHg. Ang diastolic pressure naman ay pumapatak sa 60 mmHg o mas mababa pa rito.
Samakatuwid, ang normal na presyon ng dugo ay nasa 110-130 mmHg para sa systolic at 60-70 para sa diastolic. Halimbawa, ang presyon ng dugo na 110/70 at 110/60 ay kinikilalang normal na presyon ng dugo..
Paano Dapat Sukatin ang Iyong Presyon ng Dugo
Mahalaga na tama, regular, at maayos na makuha ang pagtingin sa iyong presyon gamit ang blood pressure monitor sa bahay. Kung kaya’t dapat siguraduhin na hindi ito lalampas sa normal na saklaw ng presyon ng dugo.
Maraming preparasyon ang dapat gawin bago magpakuha ng presyon ng dugo, at isa na rito ang pagsusuot ng maluwag na damit. Bukod dito, kinakailangan din na magpahinga ng ilang minuto, iwasan ang pag-eehersisyo, at ang pagkain ng pagkain bago magpacheck ng blood pressure o BP dahil sa pansamantalang pagtaas ng presyon ng dugo.
![tamang pagkuha ng presyon ng dugo](https://nowserving.ph/blog/wp-content/uploads/2025/01/tamang-pagkuha-ng-presyon-ng-dugo.png)
Sundin ang mga Simpleng Hakbang na Ito:
- Sundin ang mga tagubilin sa paggamit ng blood pressure monitor
- Ipatong ang braso sa patag na surface na kasingtaas ng iyong puso
- Ilagay ang cuff sa itaas ng braso, 2 cm mula sa siko upang makita ang artery
- Huwag gumalaw at magrelaks habang kinukuha ang unang pagbasa
- Ulitin ang pagbasa ng 2-3 beses at kunin ang average
- Itala ang huling pagbasa ng presyon sa dugo
Karagdagang mga Tip sa Pagmonitor ng Presyon sa Dugo:
- Gamitin ang parehong braso sa regular na pagsukat.
- Sukatin ang presyon sa parehong oras araw-araw at i-record ito.
- Kumonsulta sa doktor kung may mga katanungan kung mataas o mababa ang presyon ng dugo.
Paano Dinadiagnose ng mga Doktor ang Hypotension
Isinasagawa ang tamang pag diagnose ng hypotension sa pamamagitan ng regular na pagsusuri ng presyon sa iba’t-ibang oras at araw. Kadalasan itong ginagawa pagkatapos kumain at pagkatapos uminom ng gamot.
Ang mga sintomas ng pasyente (na nakalista sa susunod na bahagi) ay mahalaga rin upang masiguro ang tamang diagnosis. Dapat tandaan na ang mababang presyon ng dugo ay maaaring magpakita ng iba’t ibang sintomas mula sa banayad na pagkahilo hanggang sa mataas na panganib ng pagkawala ng malay na maaaring magdulot ng pagkahulog.
Kinakailangan ng pagsusuri gamit ang laboratoryo upang matukoy kung may iba pang sakit na nagdudulot ng pagtaas at pagbaba ng presyon.
![pagcheck ng mababang presyon ng dugo](https://nowserving.ph/blog/wp-content/uploads/2025/01/pagcheck-ng-mababang-presyon-ng-dugo-1024x683.jpg)
Mga Risk Factor ng Hypotension:
- Mga kondisyong medikal – gaya ng diabetes mellitus, mga problema sa puso, Parkinson’s disease, occult malignancies, amyloidosis, kakulangan sa bitamina
- Edad – karaniwan sa matatanda ngunit maaari ring makita sa mga bata at kabataan
- Mga gamot – gamot sa mataas na presyon o hypertension gaya ng beta-blockers, alpha-blockers, at diuretics
Ang pagbaba ng presyon o hypotension ay maaaring babala tungkol sa sakit tulad ng sakit sa puso. Kung kaya’t dapat maging alerto upang ito ay maiwasan.
Mga Uri ng Mababang Presyon ng Dugo (Hypotension)
- Orthostatic hypotension o postural hypotension ay nailalarawan sa biglang pagbaba ng presyon ng dugo kapag tumayo ang isang tao, na maaaring magdulot ng syncope (pagkawala ng malay). Kadalasang nangyayari ay ang biglaang pagbaba ng systolic blood pressure ng 20 mmHg o pagbaba ng diastolic pressure ng hindi bababa sa 10 mmHg sa loob ng 3 minuto ng pagtayo mula sa pagkakaupo.
- Postprandial hypotension ay tumutukoy sa pagbaba ng presyon ng dugo pagkatapos kumain. Ang pagbaba ng systolic reading ng ≥20 mmHg sa loob ng 2 oras pagkatapos kumain ng mabigat na pagkain. Ito ay nakikita sa mga pasyenteng may postprandial hypotension.
Mga Palatandaan at Sintomas
![sintomas sa mababang presyon ng dugo](https://nowserving.ph/blog/wp-content/uploads/2025/01/sintomas-sa-mababang-presyon-ng-dugo.png)
Ang mga pasyenteng may mababang presyon ng dugo ay maaaring makitaan ng mga sintomas o maaaring maging asymptomatic.
Narito ang mga madalas na sintomas dahil sa mababang presyon ng dugo
- Pagkahilo
- Kawalan ng balanse
- Malabong paningin
- Problema sa pandinig
- Pagkawala ng malay
- Pagpapawis
- Pagod o panghihina
- Palpitations
- Hirap sa paghinga
- Pakiramdam na mahihimatay
- Pananakit ng leeg at balikat
![pagkahilo dahil sa mababang presyon ng dugo](https://nowserving.ph/blog/wp-content/uploads/2025/01/pagkahilo-dahil-sa-mababang-presyon-ng-dugo.jpg)
Bukod sa mga nabanggit ay mayroon din na mga malubhang sintomas:
- Pagkawala ng malay-tao
- Cerebral hypoperfusion o hindi sapat na daloy ng dugo sa utak
Mga Sanhi ng Mababang Presyon ng Dugo
![mababang presyon ng dugo](https://nowserving.ph/blog/wp-content/uploads/2025/01/mababang-presyon-ng-dugo.png)
Maraming sanhi ang maaaring magkasabay kung ang isang pasyente ay may mababang presyon ng dugo:
- Hindi sapat na autonomic nervous systemadjustment
- Dulot ng gamot (antihypertensive, antidepressants, at antiparkinsonian na gamot)
- Mga sakit sa puso
- Neurodegenerative diseases
- Kidney failure
- Mga problema sa endocrine gaya ng adrenal insufficiency at hypoglycemia
- Malubhang impeksyon
- Labis na pag-inom ng alak
- Pagkawala ng dugo
Paggamot sa Mababang Presyon ng Dugo
![gamot sa presyon ng dugo](https://nowserving.ph/blog/wp-content/uploads/2025/01/gamot-sa-presyon-ng-dugo.png)
Ang mga paraan ng paggamot sa mababang presyon ng dugo ay nakatuon sa pagpapagaan ng mga sintomas:
- Pagsusuri at pagbabago ng gamot – Kinakailangan na matukoy ang mga gamot na posibleng magdulot ng pagbaba ng presyon katulad ng antihypertensive na gamot. Maaari rin na ibahin ang dosage o itigil ang pag-inom ng ganitong klase ng gamot.
- Mga non-pharmacological na gamutan – Pagbabago sa pang-araw-araw na gawain upang mapataas ang presyon ng dugo
Bukod sa mga nabanggit ay maaari rin makatulong ang pagbabago ng pamumuhay. Narito ang mga posibleng dapat gawin:
- Iwasan ang pagtayo nang mabilisan
- Iwasang kumain ng malalaking portions
- Bawasan ang carbs
- Uminom ng tubig bago kumain
- Dagdagan ang asin sa pagkain
- Regular na ehersisyo para mapabuti ang daloy ng dugo
- Iwasan ang mainit na kapaligiran
Maaari rin uminom ng gamot upang makatulong sa hypotension:
- Midodrine – nagdudulot ng vasoconstriction at nagpapataas ng presyon
- Fludrocortisone – nagpapataas ng sodium retention na nagdudulot ng fluid retention
![doktor sa presyon ng dugo](https://nowserving.ph/blog/wp-content/uploads/2025/01/doktor-sa-presyon-ng-dugo-1024x683.jpg)
Kumonsulta sa Iyong Doktor
Magpa schedule ng konsultasyon sa iyong doktor kung ikaw ay nakararanas ng labis na pagbaba ng presyon ng dugo at patuloy ang pagkakaroon ng mga nabanggit na sintomas. Tandaan na ang malalang pagbaba ng presyon ay maaaring magdulot ng pinsala sa organs dahil sa hindi maayos na pagdaloy ng dugo sa katawan.
Maging handa sa iyong konsultasyon sa pamamagitan ng paglista ng lahat ng nararanasang sintomas. Dapat din ipagbigay alam sa iyong doktor ang mga kasalukuyang gamot na iyong iniinom para sa mainam na assessment, diagnosis, at gamutan.
Mga Kadalasang Katanungan
![mga kadalasang tanong tungkol sa mababang presyon ng dugo](https://nowserving.ph/blog/wp-content/uploads/2025/01/mga-kadalasang-tanong-tungkol-sa-mababang-presyon-ng-dugo.jpg)
Ano ang ibig sabihin kung ang iyong presyon sa dugo ay nasa 110/70?
Batay sa kahulugan ng normal, mataas, at mababang presyon ng dugo, ang 110/70 bp pati na rin ang 110/60 mmHg ay itinuturing na normal.
Nalilito ako. Tiningnan ko ang aking BP kaninang umaga at naitala ito na 159/79. Subalit, nitong Sabado lamang, ito ay 140/70. Ano ang ibig sabihin ng blood pressure reading na ito?
Ang pagbaba at pagtaas ng presyon ng dugo ay madalas na nangyayari. Kadalasan na mataas ang blood pressure reading sa unang beses kaysa sa mga sumusunod na reading. Maaaring ulitin ang test ng 2-3 na beses upang malaman ang average na blood pressure reading. Bukod dito, dapat tandaan na mas mainam na magcheck ng BP sa parehas na oras sa araw-araw, at dapat gamitin ang kaparehas na braso. Huwag mataranta sa makukuhang mataas na presyon sa dugo at magpahinga ng ilang minuto bago ulitin ang test. Sundin ang mga nabanggit na tips sa ibabaw upang mas mapadali ang iyong pagmonitor ng BP sa bahay.
Paano ko malalaman ang aking presyon sa dugo sa bahay kahit walang intervention ng doktor?
Sa tulong ng pagkakaroon ng blood pressure monitoring device o sphygmomanometer sa bahay ay maaaring matukoy ang BP. Kung kaya’t dapat maging alerto sa pagpili ng device para sa madaling paggamit nito sa pang araw-araw.
Normal ba ang 110/70 na presyon ng dugo para sa babae?
Oo, ang 110/70 na presyon ng dugo ay itinuturing na normal para sa mga lalaki at babae. Ito ay nasa loob ng malusog na saklaw at karaniwang nagpapahiwatig ng magandang kalusugan ng puso at mga ugat. Tandaan na ang pagmonitor ng BParaw-araw ay kailangan at kumunsulta pa rin sa doktor pag kinakailangan.
Paano naman ang 110/60 na presyon ng dugo para sa babae?
Ang systolic na 110 at diastolic na 60 ay itinuturing pa ring normal na presyon ng dugo. Gayunpaman, ang diastolic na mas mababa sa 60 ay maaaring magdulot ng problema dahil ito ay nagpapahiwatig ng mababang presyon ng dugo. Mainam na maging alerto sa pagpapanatili ng normal na presyon ng dugo palagi.
Panghuling Paalala
Ang mababang presyon ng dugo ay maaaring maging mapanganib sa buhay, lalo na sa mga matatanda. Kung kaya’t ang pagkakaroon ng kaalaman sa pag-unawa, pagbasa, at pagsuri ng presyon ng dugo ay kailangan upang maiwasan ang panganib ng pagkahulog at pagkakaroon ng bali sa buto.
Dahil dito, mahalaga na magkaroon ng agarang diagnosis at pagpili ng tamang opsyon sa paggamot. Kumunsulta sa iyong doktor upang masiguro ang normal na presyon ng dugo!
References
Dempsey EM. What Should We Do about Low Blood Pressure in Preterm Infants. Neonatology. 2017;111(4):402-407. [PubMed]
Kim HA, Bisdorff A, Bronstein AM, Lempert T, Rossi-Izquierdo M, Staab JP, Strupp M, Kim JS. Hemodynamic orthostatic dizziness/vertigo: Diagnostic criteria. J Vestib Res. 2019;29(2-3):45-56. [PubMed]
Magkas N, Tsioufis C, Thomopoulos C, Dilaveris P, Georgiopoulos G, Sanidas E, Papademetriou V, Tousoulis D. Orthostatic hypotension: From pathophysiology to clinical applications and therapeutic considerations. J Clin Hypertens (Greenwich). 2019 May;21(5):546-554. [PubMed]
Mukai S, Lipsitz LA. Orthostatic hypotension. Clin Geriatr Med. 2002 May;18(2):253-68. [PubMed]
Pinto E. Blood pressure and ageing. Postgrad Med J. 2007 Feb;83(976):109-14.[PubMed]
Luciano GL, Brennan MJ, Rothberg MB. Postprandial hypotension. Am J Med. 2010 Mar;123(3):281.e1-6. [PubMed]
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/low-blood-pressure/symptoms-causes/syc-20355465
https://www.sutterhealth.org/ask-an-expert/answers/low-blood-pressure-symptoms-treatment
https://www.nursingtimes.net/archive/blood-pressure-low-06-02-2009/
https://www.sciencedirect.com/science/article/abs/pii/S0002934309007190