Napakahalaga ng access sa isa sa mga modernong paraan ng HIV testing sa Pilipinas lalo na dahil sa dumadaming kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) ngayon. Kung kaya’t ang pagsulong ng HIV test sa bahay ay higit na makakatulong upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso na ito. Ngunit, paano nga ba nito masosolusyunan ang problemang ito?
Ating talakayin sa artikulong ito ang mga solusyon na dala ng HIV test sa bahay. Simulan na natin ang diskusyon!
Kilalanin kung Ano ang HIV Test sa Bahay
Ang HIV test sa bahay o tinatawag na self-test kit ay isang makabagong paraan ng HIV screening. Ito ay isang maliit na testing tool na ginagamitan ng laway o dugo. Idinisenyo ang test kit na ito para sa pribadong HIV testing na maaaring isagawa ng mga tao sa mga lugar kagaya ng bahay, office, at iba pa.
Dahil maaaring gamitin ito kahit walang gabay ng doktor ay dapat sundin mabuti ang mga hakbang na nakasaad sa lalagyan ng HIV test. Sa pamamagitan nito, panigurado na ang mga resulta ay valid anumang klase ng HIV test ang gamit (hal. antibody, antigen, at combination).
Basahin ang kaugnay na artikulo: HIV Test sa Pilipinas
Bakit Kailangan ng HIV Self-testing sa Pilipinas
Kadalasan, ang mga test para sa HIV ay ginagawa sa mga testing facility sa ospital o kaya sa ibang mga klinika na kaugnay ng health department sa Pilipinas. Dahil dito, maraming aspeto ang nagiging sagabal para sa mga indibidwal na magpa-check, kung kaya’t mas pinipili na lamang nila na hindi alamin ang kanilang HIV status.
Isa ito sa kinakaharap na problema na nagdudulot ng paghahawaan ng HIV infection at paglaganap nito sa komunidad. Kung kaya’t upang masolusyunan ito, layunin ng Department of Health (DOH) na sundin ang rekomendasyon ng World Health Organization na ihanda ang malawakang access para sa HIV diagnosis, ang self-test kit para sa HIV.
Sa pamamagitan ng HIV test sa bahay, malayang malalaman ng mga tao ang kanilang HIV status habang malayo sa posibleng diskusyon at stigma mula sa ibang tao. Bukod dito, mabilisan at agarang kaalaman ay makakamit sa tulong nitong health tool na ito.
Mga Benepisyo ng HIV Testing sa Bahay
Solusyon Para sa Komportable at Pribadong Pagsusuri
Ang paggamit ng HIV test sa bahay ay nakatutulong dahil hindi mo kailangan pumunta sa ospital o makihalubilo sa iba. Lahat ng proseso ay maaaring gawin ng pribado sa bahay. Kung kaya’t mas komportable at masisigurado na kumpidensyal ang impormasyon na malalaman mo sa HIV screening na ito.
Mabilis na Resulta
Kumpara sa mga tradisyonal na laboratory tests, ang home testing kits ay nagbibigay ng resulta sa loob lamang ng 15-30 minuto. Dahil dito, posible ang early detection ng HIV at masisimulan agad ang gamot na kailangan upang maiwasan ang panganib na dala ng HIV.
Abot-Kaya
Isa sa importanteng benepisyo tungkol sa self-test kit para sa HIV ay ang murang halaga ngunit epektibong health tool para sa HIV screening. Abot-kaya ng lahat na bumili ng HIV test sa bahay sa pamamagitan ng pagpunta sa accredited stores sa bansa.
Access Para sa Lahat
Upang masimulan ang paghikayat sa mga tao na alamin ang kanilang HIV status, napakahalaga ng access sa HIV self-test kit. Kagaya ng nabanggit, sa accredited stores lamang dapat bumili ng test dahil ito ay aprubado ng FDA. Alamin ang mga sumusunod na maaaring puntahan para bumili ng test:
- botika
- online store (hal: Lazada at Shopee)
Maaari din makakuha ng ganitong klaseng test kahit hindi gumagastos. May mga NGOs na nagtatayo ng mobile clinic upang magbigay ng libreng HIV test sa mga tao. Bukod dito, maaari rin bumisita sa barangay health center upang humingi ng gabay para sa libreng HIV test.
Paano Gamitin ang HIV Test Kit sa Bahay?
Ang paggamit ng test kit ay simple at direktang proseso. Narito ang step-by-step na gabay:
1. Basahin ang Manual
Bawat test kit ay may kasamang manual na madaling sundan. Basahin ito nang mabuti ang mga tagubilin upang makasiguro sa tamang paggamit nito.
2. Maghanda ng Lahat ng Gagamitin
Bago ang lahat, siguraduhin na kumpleto ang gamit para sa test upang masiguro na tama ang magiging resulta. Ang mga posibleng kailanganin bukod sa test kit ay ang mga sumusunod:
- alcohol para sa pag disinfect
- bulak pamahid sa lugar na pagkukuhanan ng dugo
- timer para orasan ang resulta
3. Kolektahin ang Sample
Mayroong 2 opsyon para sa sample na kailangan para sa HIV test kit. Siguraduhin na malinis ang daliri bago kumuha ng blood sample. Samantalang sa oral fluids, napakahalaga na malinis ang bibig, ngunit ipinagbabawal ang paggamit ng panglinis 30 minutes bago kumuha ng test para sa HIV.
Narito ang mga kailangan upang makakuha ng blood sample (dugo) at oral fluid (laway).
- Dugo: Gumamit ng lancet upang kumuha ng maliit na patak ng dugo mula sa dulo ng daliri.
- Laway: Swab ang loob ng pisngi gamit ang kasamang tool.
4. Ilagay ang Sample sa Test Device
Maaaring may ilang drops lamang ng dugo ang kinakailangan upang mapagana ang test kit. Bukod dito, may solution din na kailangan para sa pagsusuri ng oral fluid sample. Dahil sa mga importanteng aspeto na ito, napakahalaga na sundin ang tamang hakbang para ilagay ang mga sample sa test strip o cassette.
5. Hintayin ang Resulta
Itakda ang timer at basahin ang resulta pagkatapos ng itinakdang oras (15-30 minuto).
6. I-interpret ang Resulta
- 1 Line sa tabi ng C (Negative): Walang presensya ng HIV.
- 2 Lines (Positive): Posibleng positibo: kailangan ng confirmatory test.
- 1 Line sa tabi ng T (Invalid): Ulitin gamit ang bagong kit.
Mga Madalas Itanong Tungkol sa HIV Test sa Bahay
Paano kung hindi ko alam kung paano gamitin ang test kit?
Isa ito sa kadalasang naitatanong ng mga tao tungkol sa paggamit ng HIV test sa bahay. Ngunit hindi ito dapat ipag-alala dahil ang mga test kit na ito ay may kasamang detalyadong instructions kung kaya’t madaling gamitin ito. Maaaring basahin ito hanggang sa masiguro ang tamang paggamit sa HIV test kit.
Legal ba ang HIV self-testing sa Pilipinas?
Oo, legal bumili at gumamit ng HIV self-testing sa Pilipinas, lalo’t isinusulong ng DOH at WHO ang paggamit nito. Siguraduhin lamang na ang makukuhang test kit ay FDA-approved upang ligtas at epektibo ang gagamitin na test.
Kailangan ba ng reseta para makabili ng test kit at saan makakabili ng HIV test kit?
Hindi na kinakailangan ng reseta o kahit anong rekomendasyon mula sa doktor upang makabili ng HIV test. Ngunit siguraduhin lamang na ang lugar na pagbibilhan ay accredited o aprubado ng FDA.
Maaaring bumili ng test sa mga lugar na ito:
- botika
- online stores (Lazada, Shopee, at iba pa)
- NGOs (LoveYourself)
Ano ang susunod na gagawin kapag nagpositibo sa resulta?
Ang pagpapasuri sa doktor ay kinakailangan kung sakaling ang resulta ng test kit ay positibo. Magpakonsulta agad sa doktor o pumunta sa malapit na clinic para sa confirmatory testing. Pagkatapos ay kinakailangan ng masusing HIV care at suporta mula sa mga health experts upang masimulan ang pagpuksa sa banta at panganib ng HIV.
Unahin Ang Pangangalaga sa Sarili sa Pamamagitan ng HIV Test Kit
Kinakailangan ng mabilis at makabagong solusyon upang masimulan ang pangangalaga sa immune system ng mga tao laban sa HIV. Sa tulong ng HIV test sa bahay, mayroong mabilisan at epektibong pagsusuri sa HIV status, kung kaya’t posible ang agarang gamutan.
Huwag balewalain ang kalusugan—subukan ang HIV self-testing ngayon, at sa positibong resulta, magpakonsulta agad sa eksperto. Kumunsulta sa infectious disease doctor sa tulong ng NowServing app!