Kapag usapang HIV testing, maraming nagtatanong ng: “Gaano ka accurate ang HIV test?”
Sa panahon ngayon, isa sa prayoridad ng Department of Health (DOH) ang pagbibigay ng access sa HIV test sa bansa upang masugpo ang dumaraming kaso ng HIV sa Pilipinas. Kung kaya’t dapat magkaroon ng kaalaman ang mga tao tungkol sa epektibong tool na ito. Napakahalagang malaman ang accuracy rate ng mga HIV test upang hikayatin ang mga tao na gumamit nito.
Kung ikaw ay naghahanap ng sagot kung tunay bang maaasahan ang HIV test kits, narito ang lahat ng dapat mong malaman.
Ano ang Iba’t Ibang Uri ng HIV Test?
May iba’t ibang klase ng HIV testing tool sa Pilipinas. Upang madaling malaman ang mga ito ay ating hatiin sa 2 kategorya na home test at laboratory test.
Home Test Para sa HIV
1. Antibody Test
Ang una sa mga home test kit para sa HIV ay ang antibody test. Ito ay pangunahing test dahil pangkaraniwan itong pinipili para sa pagsusuri ng HIV status ng tao. Sinusuri nito kung may antibodies na nilikha ng katawan laban sa HIV virus.
Gaano Ka Accurate?
- Karaniwan itong may accuracy rate na higit sa 99%, ngunit dapat itong isagawa sa tamang oras—karaniwang 3-12 linggo matapos ma-expose sa virus, dahil dito lamang lumalabas ang HIV antibodies.
2. Antigen/Antibody Test
Bukod sa antibody test, maaari rin gamitin ang combination test o ang fourth-generation HIV test. Ito ay mas nakapagbibigay ng tumpak o accurate na resulta dahil pareho na antibodies at antigen (p24) ang posibleng madetect. Kung kaya’t malalaman agad ng mga tao kung sila ay positibo o negatibo sa HIV.
Gaano Ka Accurate?
- Maaari itong magbigay ng resulta mula 2-6 na linggo pagkatapos ng exposure. Ang accuracy rate nito ay mataas—madalas umaabot sa 99.9%.
Laboratory HIV Test
1. Nucleic Acid Test (NAT)
Isa pa sa mga test na ginagamit para sa HIV screening ay ang NAT o Nucleic Acid Test. Ito ay isang laboratory test na gumagamit ng dugo o blood sample sa ugat upang makita ang HIV infection.
Gaano Ka Accurate?
- Napaka-accurate nito (mahigit 99.9%) at maaaring makapagsuri kahit ilang araw lamang pagkatapos ng exposure. Subalit, ito ay mas mahal at hindi karaniwang inirerekomenda para sa routine testing.
Mga Salik na Nakakaapekto sa Accuracy ng HIV Test
Window Period
Sa paggamit ng HIV test ay dapat isaalang-alang ang window period upang hindi maapektuhan ang resulta ng HIV test. Ang aspetong ito ay ang panahon mula sa exposure hanggang sa maging detectable na ang HIV infection. Ayon sa mga expert, dapat lamang kumuha ng test pagkatapos ng itinakdang window period upang masiguro ang tamang resulta ng HIV test kit na gamit.
Pagkuha ng Sample
Ang susunod na maaaring makaapekto rin sa accuracy ng HIV test ay ang sample na gamit sa test. Madalas nagiging negative result o invalid dahil sa contaminated ang nagamit na sample sa test. Kung kaya’t sa pagkuha ng dugo (blood) at laway (saliva) ay siguraduhin na tama ang paraan ng pagkuha. Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang maling resulta ng HIV test.
Iba Pang Mga Sakit
Bukod sa mga nabanggit, posible rin na makaapekto ang pagkakaroon ng ibang sakit na nakakaapekto sa immune system ng mga tao. Ang pagkakaroon ng ibang infection ay maaaring makapag produce ng antibodies sa katawan, ngunit hindi ito dahil sa HIV. Kung kaya’t posible ang magkaroon ng false positive at false negative na resulta.
Katotohanan at Maling Paniniwala Tungkol sa HIV Testing Accuracy
Mga Maling Paniniwala
Myth 1: Sapat na ang HIV test kit para maging batayan ng HIV status
Katotohanan: Para kumpirmahin ang resulta, lalo na kung positibo, kinakailangan ng confirmatory test tulad ng Western Blot o NAT.
Myth 2: Hindi maaasahan ang home HIV test kit
Katotohanan: Ang modernong rapid HIV tests ay may mataas na accuracy rate (99%) basta tama ang paggamit.
Basahin ang kaugnay na artikulo tungkol sa katotohanan ng HIV test kits
Mga Kadalasang Tanong
Paano siguraduhin ang pinakatumpak na HIV test results?
Upang masiguro na mapagkakatiwalaan ang HIV test na gamit ay sundin ang mga sumusunod na aspeto:
1. Alamin ang tamang panahon para magpatest
2. Maghanap ng FDA-approved na test kit
3. Gumamit ng HIV test kasabay ng professional consultation
4. Isagawa ang test sa wastong paraan
Anong test ang pinakamabilis malaman ang resulta?
Ang antigen/antibody test at rapid tests ay nag-aalok ng resulta sa loob lamang ng 20-30 minuto.
May pagkakataon ba na mali ang HIV Test?
Oo, posible na maging mali ang HIV test result, kung kaya’t kailangan sundin mabuti ang instructions na nakasaad. Bukod dito, ay siguraduhin din na alamin ang mga aspetong posibleng makaapekto sa result upang maiwasan ang maling test result.
Konklusyon
Sa artikulong ito ay ating nasagot ang pangunahing katanungan ng mga tao tungkol sa HIV test kit, “gaano ka accurate ang HIV test?” At ang sagot ay nakasalalay sa tamang uri ng test, tamang panahon ng pagsusuri, at wastong proseso ng paggamit. Kung kaya’t masisigurado na tumpak at maaasahan ang HIV test kit dahil idinisenyo ito upang mapadali at magkaroon ng accurate HIV screening para sa lahat kahit saan man ito gawin. Dapat lamang tandaan na gamitin ito nang maayos at paniguradong makakatanggap ng nararapat na resulta.