Isa sa karaniwang sakit ng bata ang tonsillitis, at malalaman mong may iniinda ang bata sa kanyang tonsil kung hirap itong lumunok dahil sa sakit ng lalamunan. Kung ang iyong anak ay madalas makaranas ng ganitong sintomas, marapat lamang na alamin ang gamot sa tonsil ng bata. Maari mong malaman ang mga paraan sa paggaling nito, mapa-medikal man o mga home remedies sa pamamagitan ng gabay na ito.
Ano ang Tonsillitis at Bakit Madalas Ito sa Mga Bata?
Ang tonsil ay dalawang bukol ng tissue sa likod ng lalamunan. Bahagi ito ng immune system at unang bantay laban sa mga organismo na pumapasok sa respiratory system sa pamamagitan ng bibig at ilong. Maaari naman magkaroon ng pamamaga sa tonsil dahil sa bacterial at viral infections, ito ang tinatawag na tonsillitis.

Ayon sa Cleveland Clinic, mas mataas ang chance na magkaroon ng tonsillitis ang batang nasa edad 5 hanggang 15 taong gulang. Maaaring dahil na rin sa mas mababang resistensya ng mga bata kung kaya’t madalas silang nagkakaroon ng sakit sa lalamunan tulad ng tonsillitis.
Basahin ang tungkol sa mga sakit ng bata sa unang buwan ng pasukan.
Viral Tonsillitis vs. Bacterial Tonsillitis
Magkaiba ang gamot depende kung virus o bacteria ang sanhi ng impeksyon. Ito ang unang tinitingnan ng doktor bago magreseta.
Viral Tonsillitis
Mabilis kumalat ang viral infections sa mga batang pumapasok sa school dahil araw-araw nilang kasama ang iba’t ibang bata sa klase at sa mga aktibidad. Madaling magkahawaan ng mikrobyo ang mga bata dahil sa simpleng pag-ubo at pagbahing ay maaari nang maipasa ito sa ibang tao. Ang mikrobyo na ito ang posibleng magdulot ng pamamaga ng tonsils hanggang magkaroon ng impeksyon.
Tandaan na ang airus ang pinakamadalas na sanhi ng tonsillitis, kadalasang iba’t-ibang virus na umaatake sa respiratory system at nagdudulot din ng sipon at ubo. Hindi tinatablan ng antibiotics ang viral infections, kaya pahinga at alaga ang lunas.
Bacterial Tonsillitis
Samantala, isa rin sa salarin ng tonsillitis ang bacterial infection na nagdudulot ng strep throat. Ito ay sakit na dahil sa bacteria na tinatawag na Group A Streptococcus. Ayon sa CDC, ito ang dahilan ng 20% hanggang 30% ng sore throat sa mga bata. Mas matindi ang sintomas ng bacterial infection, gaya ng mataas na lagnat at namamagang lymph nodes.
TANDAAN: Upang malaman ang tamang gamot sa tonsil ng bata, marapat lamang na kumonsulta agad sa doktor. Ang doktor lamang ang makakapagsabi kung viral o bacterial ang sanhi ng tonsillitis ng bata. Kapag nalaman ang naging sanhi nito, madali nang makakapagbigay ng gamot ang doktor.
Alamin kung anong doktor ang dapat puntahan para sa sakit ng lalamunan.
Mga Sintomas ng Tonsillitis sa Bata

Bantayan ang mga palatandaang ito:
- Masakit na lalamunan at hirap lumunok
- Namumula at namamagang tonsil, minsan may puting batik
- Lagnat at sakit ng ulo
- Namamagang lymph nodes sa gilid ng leeg
- Pagod at walang ganang kumain
Sa batang hindi pa makapagsalita, bantayan ang pagtanggi sa pagkain at pagiging iritable.
Alamin ang kaugnayan ng strep throat sa tonsillitis sa pamamagitan ng gabay na ito.
Mga Gamot sa Tonsil ng Bata
Nakadepende ang tamang gamot sa sanhi ng tonsillitis at sa edad ng bata. Narito ang kadalasang ibinibigay na gamot para masolusyunan ang pamamaga ng tonsil ng bata.
Antibiotics Para sa Bacterial Tonsillitis
Kapag kumpirmadong bacterial, magrereseta ang doktor ng antibiotic, kadalasan penicillin o amoxicillin. Ibinabatay ang dosis sa timbang ng bata, kaya doktor lang ang dapat magtakda nito.
Tapusin ang buong reseta kahit gumaan na ang pakiramdam ng bata para hindi bumalik ang impeksyon.
Pain Reliever Para sa Lagnat at Sakit ng Lalamunan
Para sa pain relief, puwedeng gumamit ng pambatang paracetamol o ibuprofen ayon sa dosis sa label o payo ng doktor. Nagpapababa ito ng lagnat at sakit, pero hindi ginagamot ang impeksyon mismo.
Alamin ang tamang gamot sa lagnat ng bata bago magbigay ng syrup.
Lozenges at Iba Pang Gamot
Kadalasan ginagamit ang lozenges kapag may sintomas ng sore throat, strep throat, o kaya kapag may tonsillitis. Ngunit, kung ang pasyente ay bata pa lamang, maaari itong hindi ireseta ng doktor. Pwedeng mabulunan ang mga bata dahil posible itong malunok nang buo ng bata. Ang lozenges ay para lamang sa edad 6 pataas. Sa ganitong kaso, kumonsulta muna sa pediatrician bago bumili sa botika.

Home Remedies Para Gumaan ang Pakiramdam ng Bata
Subukan ang mga ito habang nagpapagaling ang bata sa bahay:
- Warm fluids: Painumin ang bata ng warm water o sabaw. Nakakatulong ang maligamgam na tubig dahil pinapakalma nito ang lalamunan.
- Ice cream: Gusto ng ibang bata ang lamig ng ice cream o ice pops bilang pansamantalang pain relief.
- Salt water gargle: Para lang ito sa batang marunong nang magmumog. Iwasan ito sa maliliit na nakakalunok ng tubig dahil hindi pa nila kaya ang water gargle.
- Pahinga: Iwasan muna ang mabibigat na mga aktibidad at pagpasok sa school habang may lagnat para hindi makahawa sa ibang mga taong kasama niya.
- Masustansyang pagkain: Ang papaya at mangga ay may vitamin C na sumusuporta sa immune system, pero hindi kapalit ng gamot ang vitamin C.
Basahin din ang gabay sa gamot sa strep throat upang malaman ang iba pang remedy.
Kailan Dapat Dalhin sa Doktor ang Bata?
Gumagaling ang karamihan ng tonsillitis sa loob ng 3 hanggang 4 na araw. Pero dalhin agad sa doktor ang batang nagpapakita ng matinding sintomas:
- Hirap huminga
- Hindi makalunok o sobrang naglalaway
- Hirap kumain o uminom dahil sa sakit
- Sakit ng lalamunan na lumalala sa isang gilid
Sa ganitong kaso, puwedeng may komplikasyon tulad ng peritonsillar abscess, o nana sa likod ng tonsil. Kumonsulta sa pediatrician para masuri agad ang anak mo.
Chronic Tonsillitis at Tonsillectomy
Kagaya ng nabanggit kanina, may mas mataas na chance na magkaroon ng tonsillitis ang mga bata. Dahil dito, hindi rin makakaila ang posibleng pag-ulit nito sa pasyente. Ito ang tinatawag na chronic tonsillitis.
Ang chronic tonsillitis ay posibleng mangyari dahil sa iba’t ibang rason:
- untreated na acute tonsillitis
- tonsil stones
- mahinang resistensya
- antibiiotic resistance
- genetics
Ayon sa KidsHealth, puwedeng ikonsidera ang tonsillectomy kapag pitong beses nagka-sore throat ang bata sa loob ng isang taon. Ang mga ENT doctors ang nagsusuri kung kailangan ng operasyon.
Kumonsulta sa pediatric ENT kung bumabalik-balik ang tonsillitis ng anak mo. Basahin din ang gabay na ito tungkol sa tonsillectomy procedure.

Paano Mag-book ng Pediatrician ENT Pediatrician sa NowServing
Kung ang bata ay kasalukuyang nakararanas ng sintomas ng tonsillitis, dapat lamang na kumonsulta agad sa pediatrician o ENT pediatrics specialist.
Narito ang simpleng hakbang na iyong dapat gawin:
- Buksan ang NowServing app at hanapin ang listahan ng pediatrician. Maaari rin dumiretso sa pediatric-ENT para sa specialized na doctor consultation.
- Pumili ng doktor sa listahan at mag-schedule ng consultation.
- Punan ang form ng mahahalagang bagay tulad ng patient’s details, reason for booking, etc.
- Hintayin na tanggapin ng doktor ang appointment
Kung ang pinili mo ay online consultation, kinakailangan bayaran muna ang consultation fee bago tanggapin ng doktor ang iyong request. Ngunit kung in-person consultation naman ang iyong pinili, hindi mo na kinakailangan magbayad online. Ibigay na lamang sa secretary ang bayad pagkatapos ng consultation.
Mga Madalas Itanong Tungkol sa Tonsillitis sa Bata
Ano ang mabisang gamot sa tonsil ng bata?
Walang iisang gamot sa tonsillitis na para sa lahat. Antibiotics ang para sa bacterial infection, habang pain reliever, pahinga, at warm fluids ang tulong sa viral tonsillitis.
Puwede bang mag-salt water gargle ang bata?
Hindi ito inirerekomenda sa batang hindi pa marunong magmumog. Itanong muna sa pediatrician kung ligtas na ang salt water gargle para sa anak mo.
May mga pagkain ba na dapat iwasan ang mga batang may tonsillitis habang patuloy ang gamutan?
Dapat iwasan ang mga pagkain na posibleng makagasgas sa lalamunan tulad ng matitigas na pagkain, maaasim, maanghang, at iba pa. Hangga’t maaari ay hayaan munang gumaling ang lalamunan bago kumain ng ganitong klaseng pagkain.
Konklusyon
Ang tonsillitis sa bata ay kadalasang nangyayari dahil sa viral at bacterial infections. Kung kumpirmado ang pagkakaroon ng tonsillitis ng bata, dapat maging handa ang mga magulang para painumin ng gamot sa tonsil ng bata ang kanilang anak.
Upang maiwasan ang palaging pamamaga ng tonsil ng bata ay dapat pataasin ang resistensya nila at gabayan upang mas maging malusog at masigla habang lumalaki. Kumonsulta agad sa pediatrician or pediatric ENT para sa mainam na paggabay laban sa tonsillitis.
Maaari rin humingi ng tulong sa doktor upang gawing updated ang immunization ng iyong anak para palakasin ang resistensya nila. Bantayan ang vaccine schedule sa NowServing Baby Book sa iyong NowServing App.


