Maraming sakit ang posibleng makuha dahil sa pakikipagtalik ng wala proteksyon. Isa na rito ang Human Papillomavirus o kilala sa tawag na HPV. Ang viral na sakit na ito ay maraming strains na binabantayan ng mga expert upang masolusyunan at mapuksa ang panganib na dala nito. Mabuti na lamang ay mayroong epektibong paraan, ang HPV vaccine. Alamin kung ano ang hpv vaccine at ang maitutulong nito sa kalusugan ng kababaihan.

Basahin ang artikulong ito upang malaman ang proteksyon laban sa HPV.

Ano Ang HPV Vaccine?

bakuna sa Pilipinas para sa HPV

Ang HPV vaccine ay isang uri ng bakuna na dinisenyo upang protektahan ang katawan laban sa human papillomavirus (HPV), isang uri ng virus na maaaring magdulot ng cervical cancer, genital warts, at iba pang uri ng kanser (vulva, vagina, and anus). Napakahalaga ng bakunang ito, lalo na para sa mga kababaihan, dahil epektibo itong nakakatulong sa pagpigil ng mga nabanggit na seryosong sakit.

Isa ito sa sakit na dapat ikabahala ng mga kababaihan dahil ang HPV sa babae ay nagdudulot ng cervical cancer. Ang cancer na ito ay isa sa mga dahilan sa pagtaas ng fatality rate sa Pilipinas. Kung kaya’t mabuting maging bukas sa medikal na solusyon katulad ng HPV vaccine.

Mga Bakuna sa Pilipinas Para sa HPV

  • Gardasil 9: Maaaring maprotektahan ang pasyente laban sa 9 na HPV strains (6, 11,16, 18, 31, 33, 45, 52, at 58).
  • Cervarix: Bakuna na may kakayahang protektahan ang pasyente laban sa 2 na HPV strains (16 at 18).
  • Gardasil 4: Isa sa mga naging pangunahing bakuna laban sa 4 na HPV strains (6, 11, 16, at 18).

Basahin ang kaugnay na artikulo: Brands ng Bakuna sa Pilipinas Para sa HPV

Paano Gumagana ang HPV Vaccine

Kapag ang HPV vaccine ay naiturok, tinutulungan nito ang katawan na makabuo ng antibodies na lumalaban sa virus. Ang mga antibodies na ito ay tumutulong sa immune system upang protektahan ang katawan mula sa impeksyon kung sakaling ma-expose sa HPV infection.

bakuna para sa pasyente ng HPV

Doses na Kailangan Para sa HPV Vaccination

Sa drug administration ng HPV vaccine ay kinakailangan ng dalawa o tatlong doses, depende sa edad ng tumatanggap. Bukod sa edad, posible rin na makaapekto ang health status ng pasyente sa dami ng gamot na ituturok. Halimbawa, ang mga may common sexually transmitted infection kagaya ng HIV ay kinakailangang makatanggap ng 3 dose.

Mas mabuting kumunsulta muna sa doktor upang malaman ang nararapat na dami ng gamot para sa kanilang bakuna.

HPV vaccine schedule at dose:

  • Edad 9-14 taon: Dalawang doses ang kinakailangan, na may anim na buwang pagitan pagkatapos ng first dose.
  • Edad 15 pataas: Tatlong doses ang inirerekomenda upang masigurado ang proteksyon.

Mahalagang sundin ang tamang schedule ng pagbabakuna upang maprotektahan ang sarili sa panganib na dala ng HPV.

Bakit Kailangan ng HPV Vaccine ng Mga Babae?

hpv sa babae - kaalaman sa ano ang hpv vaccine

Pag-iwas sa Cervical Cancer

Kagaya ng nabanggit, ang cervical cancer ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga kababaihan dahil sa kanser. Sa Pilipinas, libu-libong kaso ng cervical cancer ang naitatala taun-taon. Ang HPV vaccine ay epektibo laban sa mga strain ng virus na nagdudulot ng halos 70% ng mga kaso ng cervical cancer.

Proteksyon Laban sa Genital Warts

Bukod sa cervical cancer, ang HPV ay nagdudulot din ng genital warts dahil sa mga HPV strains na 6 at 11. Bagamat hindi ito nakamamatay, maaaring magdulot ito ng kahihiyan at discomfort sa mga pasyente. Sa tulong ng bakuna, nababawasan ang panganib ng pagkakaroon ng genital warts.

Kalusugan ng Pamilya

Tandaan na hindi lamang ang indibidwal na nabakunahan ang pinoprotektahan ng HPV vaccine. Nakakatulong din ito sa pagpigil ng pagkalat ng virus sa kanilang mga partner at mahal sa buhay. Ang bakunang ito ay isang hakbang tungo sa mas malusog na pamilya at komunidad.

Paano Makakakuha ng HPV Vaccine

Magtanong sa Doktor

Ang unang hakbang ay kumonsulta sa doktor upang malaman kung kailan ang tamang oras para sa pagbabakuna. Makakatulong din ang doktor sa pagpapaliwanag ng mga benepisyo at mga posibleng epekto nito.

Bisitahin ang Health Centers

Maraming mga health center at ospital ang nag-aalok ng HPV vaccine. Sa ilang mga lugar sa Pilipinas, maaaring makakuha ng libreng bakuna sa ilalim ng mga programang pangkalusugan ng gobyerno.

Alamin ang Coverage ng Insurance

Kung ikaw ay may health insurance, suriin kung saklaw nito ang HPV vaccine. Ito ay makatutulong sa pagbawas ng gastos sa pagbabakuna.

Mga Tanong Upang Maintindihan Kung Ano Ang HPV Vaccine

Ano ang mga posibleng side effects ng HPV vaccine?

Karaniwan, ang mga side effects ay banayad lamang at pansamantala. Maaaring makaranas ng pamamaga o kirot sa lugar ng bakuna, lagnat, o pagkapagod. Ngunit posible pa rin ang malalang side effects lalo na kung may allergy ang pasyente sa bakuna. Maaaring magkaroon ng anaphylaxis kapag hindi agad naagapan ang malalang side effects.

Kaya naman mas mabuting kumunsulta agad sa doktor upang maiwasan ang komplikasyon.

Ligtas ba ang HPV vaccine?

Oo, ang HPV vaccine ay ligtas at aprubado ng mga pandaigdigang institusyon tulad ng WHO at FDA. Bago ito inaprubahan, dumaan ito sa mahigpit na pagsusuri para masiguro ang kaligtasan at pagiging epektibo nito.

Kailan dapat magsimula ang pagbabakuna?

Mas mainam na magsimula ang pagbabakuna sa edad 9 hanggang 14 para sa mas mataas na proteksyon. Gayunpaman, maaari pa rin itong ibigay sa mas matandang edad kung kinakailangan.

Maaari bang makakuha ng libreng HPV vaccine?

Oo, may mga mobile clinic na hawak ng NGOs ang naghahandog ng libreng HPV vaccine. Bukod dito, ang pampublikong ospital na hawak ng gobyerno ay maaari rin magpatupad ng libreng bakuna para sa mga pasyente.

Konklusyon

Sa huli ng artikulong ito ay nabigyang liwanag kung ano ang HPV vaccine at ang papel nito bilang proteksyon laban sa HPV. Sa tulong ng bakunang ito, maaaring mapanatili ang kalusugan ng mga kababaihan at kanilang pamilya. Huwag maghintay na lumala ang sitwasyon – magpabakuna na ngayon upang masiguro ang proteksyon laban sa HPV.

Para sa karagdagang impormasyon, kumunsulta sa inyong doktor o bisitahin ang pinakamalapit na health center. Magkaisa tayo para sa mas ligtas at malusog na kinabukasan!