Marami na ang nagsasabing nanaba ka, posibleng madalas mo na itong naririnig sa iyong mga “tita” at “tito.” Maaari rin na galing ito sa kaibigan mo, at hindi mo alam kung insulto ba ito o nag-aalala na sila sa iyo. 

Ang pananaba ng katawan ay maaaring normal lamang, ngunit kung labis na ito sa BMI mo, dapat mo na itong ikabahala. Bukod dito, magkaiba ang obesity sa gained weight, at doctor lamang ang makakapagbigay ng diagnosis na ito. Alamin kung ikaw ay may obesity sa tulong ng kumpletong gabay na ito.

Ano Ang Obesity?

Ang obesity ay ang kondisyon kung saan sobra na ang taba sa katawan hanggang sa nakakaapekto na ito sa kalusugan. Para masukat ito, ginagamit ng doktor ang BMI, o body mass index: ang timbang mo sa kilo, hinati sa taas mo sa metro, squared. Hindi ito perpektong sukatan, at alam iyon ng mga doktor, pero ito ang panimulang numero ng lahat.

BMI in Philippines - 25

Mayroong global chart, kung saan 30 ang simula ng obesity. Hindi iyon ang chart na ginagamit sa Pilipinas. Ang Asia-Pacific classification ng World Health Organization ay mas mababa ang mga hangganan, dahil mas maagang tumataas ang panganib ng diabetes at sakit sa puso sa mga Asyano. Ito ang sinusunod ng Philippine Clinical Practice Guidelines for Obesity, na ginawa ng Philippine College of Physicians kasama ang PASOO, PAMOS at ang Department of Health.

Ganito ang chart na sinusunod ng mga guideline sa Pilipinas:

  • Mababa sa 18.5: Underweight, o kulang sa timbang.
  • 18.5 hanggang 22.9: Normal.
  • 23 hanggang 24.9: Overweight, o nasa panganib na.
  • 25 hanggang 29.9: Obese, class I.
  • 30 pataas: Obese, class II.

Kaya ang BMI na 25, na “overweight” lang sa global chart, ay obesity na sa chart na ginagamit sa Pilipinas. Hindi dahil mas mahigpit ang Pilipinas. Dahil ito ang chart na ginawa para sa katawan ng mga tulad natin.

Bakit Kinikilalang Sakit Ang Obesity?

Ayon sa World Health Organization ay tinuturing ang obesity bilang chronic at relapsing disease o isang sakit na matagalan at bumabalik. Ganito rin ang tingin ng Philippine Clinical Practice Guidelines for Obesity: isang chronic disease na nangangailangan ng buong plano ng paggamot, hindi ng isang diet.

Ibig sabihin, hindi “kakulangan ng disiplina” ang dahilan ng pagkakaroon ng obesity. Upang mas maintindihan kung anong ang pinagmulan nito, narito ang ilan sa tinutukoy na sanhi. 

ang obesity ay sakit

Genetics

Kung maraming tumataba sa pamilya mo, mas malaki ang tsansa mong tumaba rin, kahit magkaiba ang kinakain ninyo. Nakalagay sa genes kung gaano kabilis mabusog, kung saan nag-iimbak ng taba ang katawan, at kung gaano kabilis gumastos ng enerhiya. Hindi mo ito pinili.

Hormones

May mga kondisyon na nagpapahirap magpapayat tulad ng pagkakaroon ng mabagal na thyroid. Kung ikaw ay may PCOS, na tinatawag na ring PMOS mula noong Mayo 2026, isa rin ito sa tinuturong sanhi. Pinakahuli ay ang insulin resistance sa diabetes na dahil sa hindi na pinapakinggan ng katawan nang maayos ang hormone na nag-aayos ng asukal sa dugo.

Tulog

Kapag kulang ka sa tulog, nagugulo ang mga hormone na nagsasabi kung gutom ka o busog. Mas gusto mo ng matamis kinabukasan, mas mahirap tumanggi, at mas kaunti ang enerhiya mong gumalaw. Ang night shift at ang hilik na may hinto sa paghinga ay pareho ring tinitingnan ng doktor, dahil pinapalala nila ang problema, at hindi mo kasalanan ang alinman.

Stress

Isa ang stress sa dapat bantayan dahil malaki ang epekto nito sa pagtaas ng timbang, lalo na sa may tiyan. Ang stress ay nakakapagpataas ng cortisol, nakakaapekto sa tulog. at nakapagpataas. ng iyong kagustuhang kumain nang kumain.

Bakit Bumabalik Ang Timbang Pagkatapos ng Diet?

Kapag binawasan mo ang pagkain, binabasa ito ng katawan bilang kakulangan, kaya tumataas ang gutom at bumababa ang enerhiyang ginagastos mo kahit nakaupo ka lang. Ito ang ibig sabihin ng “relapsing” sa kahulugan ng WHO, at ito ang dahilan kung bakit ang plano ng doktor ay may follow-up, hindi isang listahan ng bawal.

Kailan Dapat Magpa-konsulta

  • Kapag narinig mo na ang salita: Kung ginamit na ito ng doktor o nakasulat na sa resulta mo, ang susunod na hakbang ay konsulta, hindi diet.
  • Kapag 25 pataas ang BMI mo sa calculator: Hindi ito diagnosis, pero sapat na itong dahilan para ipatingin.
  • Kapag may kasamang sintomas: Laging pagod, laging nilalamig, irregular na regla, malakas na hilik, uhaw at ihi nang madalas.
  • Kapag may diabetes, high blood, o sakit sa puso sa pamilya: Mas maaga ang dapat na pagpapatingin.
  • Kapag ilang buwan ka nang nagsisikap at walang nagbabago: May dapat hanapin ang doktor.

obesity doctor consultation

Ano Ang Tinitingnan ng Doktor

Ang unang itinatanong ng doktor ay kung kailan nagsimula ang pagbabago ng iyong timbang. Itatanong din kung may sakit ka ba na matagal nang ginagamot kagaya ng diabetes, thyroid, PCOS/PMOS, hypertension, at sakit sa puso. Mahalagang sagutin ito upang malaman ng doctor kung ano ang posibleng naging risk factor na nagdulot ng iyong pananaba.

Hihingan ka rin ng doctor mga tests o laboratory tests:

  • blood test
  • blood sugar
  • cholesterol
  • thyroid

Ang doktor ang magpapasya kung ano ang dapat mong gawin pagkatapos tingnan ang resulta ng iyong mga laboratory tests. Isa sa posibleng maging plano ay ang pag-pili sa pwedeng kainin, pageehersisyo, at ang gamot para sa weight loss.

TANDAAN: Ang surgery para sa pagbabawas ng timbang ay dapat na pinakahuling treatment lamang. Hindi ito ang pangunahing solusyon na irerekomenda ng doctor.

Basahin ang kaugnay na artikulo tungkol sa weight management sa Pilipinas

Paano Kumonsulta sa Obesity Doctor sa NowServing

Madali lamang makahanap ng obesity medicine doctor sa NowServing:

  • Buksan ang NowServing app o i-access ang Obesity Medicine page gamit ang link na ito
  • Pumili ng doctor at mag-schedule ng consultation
  • Hintayin na aprubahan ng doctor ang iyong consultation

Bukod dito, maaari ka rin kumonsulta sa iba pang especialista tulad ng endocrinologist, internal medicine, lifestyle medicine, at iba pa. I-download na ang NowServing app sa iyong device upang malayang makapamili ng doctor na iyong gustong makausap para sa obesity.

Mga Kadalasang Tanong Tungkol sa Obesity

Anong BMI ang obese sa Pilipinas?

BMI na 25 pataas, ayon sa Asia-Pacific classification na sinusunod ng mga doktor sa Pilipinas. Ang 23 hanggang 24.9 ay overweight. Mas mababa ito sa global chart dahil mas maagang tumataas ang panganib sa kalusugan sa mga Asyano.

Iba ba ang obesity sa overweight?

Oo, magkaibang antas sila sa iisang chart. Sa Pilipinas, overweight ang 23 hanggang 24.9 at obesity ang 25 pataas. Pareho silang dahilan para magpatingin, pero mas mataas ang panganib sa kalusugan sa obesity.

Sakit ba talaga ang obesity?

Oo. Tinuturing ito ng World Health Organization bilang chronic at relapsing disease, at ganoon din ang tingin ng Philippine Clinical Practice Guidelines for Obesity. Kaya ang plano ng doktor ay may follow-up at pagsusuri ng dahilan, hindi isang diet lang.

Namamana ba ang obesity?

Bahagi nito, oo. Ang genes ay nakakaapekto sa gutom, sa pag-iimbak ng taba, at sa bilis ng paggastos ng enerhiya, kaya mas malaki ang tsansa kung maraming tumataba sa pamilya. Pero kasama rin ang tulog, stress, hormones, at kapaligiran, at ang doktor ang tumitingin kung alin sa mga ito ang nangyayari sa iyo.

Anong doktor ang tumitingin sa obesity?

Endocrinologist para sa hormones, thyroid, at PCOS. Internal medicine doctor para sa kabuuang kalusugan ng adult. Family medicine doctor para sa unang pagsusuri malapit sa bahay. Pwede ring i-refer ka nila sa registered nutritionist-dietitian para sa plano ng pagkain.

Magkano ang konsulta sa NowServing para sa obesity?

Sa NowServing, nagsisimula sa Php 500 ang konsulta sa endocrinologist o internal medicine doctor, at nag-iiba ito depende sa doktor at klinika. Hiwalay ang bayad sa lab tests na ipapagawa ng doktor. Tingnan ang HMO plan mo kung may sagot ito sa konsulta, at kung sakop ang weight management mismo.

Konklusyon

Ang salitang narinig mo tungkol sa iyong pagtaba ay hindi hatol sa pagkatao mo. Pangalan ito ng kondisyon na may numero, may mga dahilan na kayang hanapin, at may doktor na alam kung saan magsisimula.

Kumonsulta agad sa doctor upang malaman kung normal pa ba ang iyong timbang o maaari na itong makasama sa iyong kalusugan. Mayroong especialista sa NowServing tulad ng obesity medicine doctor, endocrinologist, internal medicine, at iba pa.

Pwede ka rin magsimula online sa pamamagitan ng assessment sa NowExpress!

Reference

World Health Organization, Western Pacific Region, The Asia-Pacific Perspective: Redefining Obesity and its Treatment, Pebrero 2000, Table 2.2

World Health Organization,Obesity and overweight, fact sheet, 8 Disyembre 2025

DOST-FNRI,DOST-FNRI presents the latest PH Nutrition Situation, 2023 National Nutrition Survey

BusinessMirror, Obesity in the Philippines: From lifestyle concern to chronic disease, 25 Setyembre 2025, tungkol sa Philippine Clinical Practice Guidelines for Obesity