Ang Mpox na kilala rin bilang monkeypox ay isang viral na sakit na dulot ng orthopoxvirus. Bagama’t may mga pasyenteng kinakailangang i-admit sa ospital, karamihan ay maaaring gamutin at alagaan sa bahay. Ang tamang kaalaman at pag-aalaga sa may Mpox sa bahay ay mahalaga lalo na’t isa itong hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga epektibong hakbang sa pag-aalaga sa may Mpox sa bahay. Alamin ang mga importanteng impormasyon katulad ng isolation, hakbang para sa pangangalagang pangkalusugan, at mga hindi dapat gawin para sa madaling paggaling.
Ano Ang Maidudulot ng Pag-aalaga sa May Mpox sa Bahay
Isa sa health protocols na ibinahagi ng Department of Health ay ang kahalagahan ng isolation o paggaling sa loob ng bahay. Ito ay isang paraan na kinakailangang gawin upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng Mpox sa bansa. Bukod dito ay epektibo rin ito upang mas mabantayan ang progress ng paggaling ng mga pasyente.
Ngunit hindi lahat ay nararapat sa ganitong aksyon laban sa Mpox. May mga kaso ng Mpox infection na kinakailangan ng gabay ng doktor dahil sa hindi tamang pag-aalaga ng mga paltos ng Mpox. Para maiwasan ang impeksyon sa balat at iba pang komplikasyon na dala ng Mpox, kinakailangan ang nararapat na pangangalagang pangkalusugan.
Basahin ang kaugnay na artikulo tungkol sa panganib sa Mpox
Hakbang sa Tamang Pag-aalaga sa May Mpox sa Bahay
Ating nabanggit kanina ang kahalagahan ng tamang pag-aalaga sa may Mpox sa bahay. Upang maisagawa ito ay narito ang mga posibleng hakbang na pwedeng tahakin hanggang sa gumaling.
Isolation ng Pasyente
Ang unang hakbang sa pag-aalaga ay ang tamang pagpili ng lugar para sa isolation.
- Itakda ang hiwalay na kwarto sa bahay para sa mga taong nag positibo sa Mpox.
- Kung maaari, gumamit ng sariling banyo ang pasyente. Kung hindi posible ay palaging linisin ang banyo pagkatapos gamitin.
- Siguraduhing limitado ang kontak ng pasyente sa ibang tao, lalo na sa mga bata at matatanda.
Paggamit ng Personal Protective Equipment (PPE)
Bukod sa isolation ay pinaka importante rin ang paggamit ng PPE o personal protective equipment. Ang paggamit nito ay kinakailangan uang maiwasan ang pagkalat ng virus lalo na kung kailangan makisalamuha sa mga may sakit.
- Gumamit ng face mask kapag kasama ang pasyente.
- Magsuot ng gloves kapag naglilinis ng sugat o nag-aasikaso sa pasyente.
- Hugasan ang kamay gamit ang sabon at tubig pagkatapos ng bawat kontak.
Pangangalaga sa Kalinisan ng Bahay
Isa pang dapat tandaan upang maging matagumpay sa pag-aalaga sa may Mpox sa bahay ay ang pananatili ng kalinisan sa paligid. Bilang nasa isolation period ang pasyente, maaaring manatili ang virus kaya’t kinakailangan ang pag disinfect upang maiwasan ang paghahawaan.
- Linisin at i-disinfect ang mga madalas hawakan tulad ng doorknobs, lamesa, at gadget.
- Hugasan ang damit, kumot, at tuwalya ng pasyente gamit ang mainit na tubig at detergent.
- Gumamit ng disposable cleaning materials hangga’t maaari.
Pangangalaga sa Sugat o Pantal
Nabanggit din kanina ang posibilidad na magkaroon ng impeksyon sa balat na dulot ng paltos at sugat ng Mpox. Isa ito sa mga panganib na dapat bantayan dahil maaari itong makaapekto sa kalusugan. Patnubay at pag-aalaga ang kinakailangan upang masubaybayan ang tamang paghilom ng mga sugat na dala ng Mpox.
- Huwag kalimutan takpan ang pantal o sugat gamit ang malinis na benda.
- Iwasang kamutin ang pantal upang hindi lumala.
- Maglagay ng topical ointment ayon sa rekomendasyon ng doktor.
Wastong Nutrisyon at Pahinga
Ang isa sa dahilan kung bakit madaling mahawa ng Mpox ang mga tao ay dahil sa kanilang mahinang resistensya or pangangatawan. Kaya naman kadalasang ipinapayo ng doktor ang pag-inom ng mga bitamina at ang pagkain ng mga masustansyang pagkain. Bukod dito, nakakatulong din ang tamang pahinga upang makabangon muli ang immune system.
- Bigyan ng masustansyang pagkain tulad ng prutas, gulay, at protina.
- Painumin ng sapat na tubig upang maiwasan ang dehydration.
- Siguraduhin ang sapat na pahinga ng pasyente.
Regular na Konsultasyon sa Doktor
Bagama’t maaaring gamutin sa bahay ang Mpox, mahalagang makipag-ugnayan sa doktor para sa tamang gabay.
- Iulat ang anumang paglala ng sintomas tulad ng lagnat o pamumula ng sugat.
- Sundin ang reseta ng mga gamot tulad ng antivirals kung kinakailangan.
Mga Bagay na Huwag Gawin
Para sa agarang paggaling at sa tamang pag-aalaga sa may Mpox sa bahay ay dapat iwasan ang mga sumusunod.
Huwag Hayaang Makihalubilo ang Pasyente
Ang isolation ay kailangang istrikto. Huwag hayaang makihalubilo ang pasyente sa ibang tao, lalo na sa mga vulnerable group.
Huwag Gamitin ang Mga Kontaminadong Gamit
Iwasang gumamit ng mga personal na gamit ng pasyente tulad ng kutsara, plato, o unan.
Huwag Itago ang Kondisyon ng Pasyente
Mahalaga ang transparency. Ipabatid sa mga nakahalubilo ng pasyente ang kanyang kondisyon upang sila ay makapag-ingat.
Huwag Balewalain ang Mga Sintomas
Kapag lumala ang mga sintomas o nagkaroon ng bagong komplikasyon, agad na kumonsulta sa doktor.
Mga FAQ Tungkol sa Mpox at Pag-aalaga sa Bahay
Paano ko malalaman kung nakakahawa pa ang pasyente?
Tandaan na tumatagal ng Mpox ay nasa 2 – 4 na linggo. Mas mabuting manatili muna sa isolation hanggang hindi pa natatapos ang nakatakdang araw. Ngunit kung mapapansin pa rin ang paglala ng mga sintomas kahit patapos na ang linggo ay mas mabuting mag isolate pa rin. Huwag din kakalimutan na kumunsulta sa doktor tungkol sa malalang epekto ng Mpox.
Paano ko mapoprotektahan ang aking pamilya?
Maraming epektibong paraan upang maprotektahan ang iyong pamilya laban sa Mpox. Ilan sa mga kailangang gawin ay ang mga sumusunod:
- Sundin ang tamang isolation.
- Palaging maghugas ng kamay.
- Gumamit ng disinfectant sa mga kontaminadong bagay.
Ano ang gamot sa Mpox?
Walang specific na gamot sa Mpox, ngunit ang antiviral drugs tulad ng Tecovirimat ay maaaring ireseta sa mga malalang kaso. Bukod dito ay pwede rin gumamit ng topical creams sa anumang bahagi ng katawan na may paltos ng Mpox. Ang topical creams ay makakatulong sa paggaling ng mga sugat at para maiwasan ang impeksyon.
Upang malaman ang iba pang gamot para sa epekto ng Mpox ay mabuting kumunsulta agad sa doktor. Maaaring gamitin ang NowServing app para sa telehealth na pagkonsulta sa iyong healthcare provider.
Konklusyon
Ang tamang pag-aalaga sa may Mpox sa bahay ay mahalaga upang mapabilis ang paggaling at maiwasan ang pagkalat ng virus. Sundin ang mga hakbang sa isolation, kalinisan, at tamang nutrisyon upang mapanatili ang kaligtasan ng buong pamilya.
Kung may mga tanong o pag-aalala tungkol sa kondisyon, huwag mag-atubiling kumunsulta sa doktor. Magtulungan tayong sugpuin ang Mpox sa pamamagitan ng responsableng pag-aalaga at tamang kaalaman.